Kuwentuhang Sikolohiyang Pilipino

RSS

Ang Daluyan: Sem-Ender 2 Issue

Disconnection Notice

Made by UP Buklod-Isip’s own Gabi Timbancaya :)

Mgatanong

Ako’y gulong-gulo at nalilito

Di ko malaman paano ako hihinto

Pagod na sa pakikiramdam at pagtatanong-tanong

Ano ba ang iyong gusto, sino ba laman ng iyong puso?

 

Daig ko pa ang diksyunaryo sa mga depinisyon

Na aking binibigay sa iyong mga aksyon

Bawat tingin at galaw na ginagawa mo

Sa aki’y mga pahiwatig na pinag-iisipan ko

 

Ngunit sawa na sa kilig na bunga ng imahinasyon

Ayaw na sa pahiwatig na kailangan ng interpretasyon

Kurso ko’y sikolohiya, subalit hindi ito solusyon

Upang laman ng isip mo’y lumantad sa harapan ko

 

Matapang, Matalino’t walang takot kahit kanino

Iyan ang tingin sa isko/a na kagaya ko

Subalit aanhin ang mga katangiang ito

Kung sa kapares di ito ang hinahanap mo

 

Marami akong tanong na tanging masasagot

Kung tayong dalawa’y nagpalagayan na ng loob

Subalit hanggang ngayo’y nananatiling malayo

Ikaw at ako’y nagtuturingan pa ring ibang tao

 


Ako’y titigil na sa pag-iisip sa’yo

Upang itong tula’y mawalan na ng inspirasyon

Ito na’y ipapasa na puno ng hiya

Dahil ang di masabi sayo’y binuhos dito sa tula.


Iska 2.0
Bukid
UP Buklod-Isip

“Kaliwa, kanan, kaliwa, kanan.”

Hindi pa man sumisilip ang haring araw, dilat na ang mga mata ko. Umaga pa lang ay gising na ako, kahit labag sa kalooban ng aking katawan. Oo, labag, hindi dahil sa hindi ko gusto ang pumasok sa kursong iyon ngunit ayokong pumasok ng ganoong kaagang oras.


Nagpapawis, tumatakbo, nagbabanat ng buto. Sabay-sabay ang pagpadyak at paghakbang. Ang mga paa’y nagkakasundo, nangangarera sa iisang direksyong parehas naming tinatahak. Habang ang iba’y nahihimlay sa kanilang higaan at nasa kasarapan pa ng tulog, heto kami, hinihingal na. Maya-maya’y kami’y pepwesto na sa aming pormasyon at hihilera ng tuwid. Ang mga nakakataas nama’y mag-i-inspeksyon na ng aming kagamitan, kasuotan, at kalinisan.


Pagkatapos ng pisikalan, sasabak naman kami sa labanang mental. Mag-aaral ng ilang mga taktika, hakbang sa pagbibigay ng paunang lunas, paano makasagip ng buhay, paano maging isang epektibong lider at marami pang iba. Ilang oras din kaming uupo para makinig sa mga araling pinagpaguran ng mga opisyal ng institusyon. Makikisali sa diskusyunan at magbibigay ng mga agam-agam , opinion at suhestiyon. Ilang sandali pa’y aalamin nila kung may natutunan kami sa araw na iyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng maikling pagsusulit. 


Para sa iba, ang pagkuha ng kursong ROTC ay isang buwis-buhay o pagpapahirap sa sarili. Biruin mo, madaragdagan ang dapat mong aralin imbis na ilaan na lang ang oras at ipokus ang sarili sa mga mayoryang kurso. Dagdag pa, kakain ito ng oras at lakas. Imbis na itinulog mo na lang ang oras mo para sa kursong ito, ayun, naroon ka, nagpapagod, nakikinig at gumagapang. Bakit ko nga ba ito ginagawa? Ito ang kalimitang tinatanong sa akin ng ilan. Pinahihirapan ko lang daw ang aking sarili. Hindi naman makatutulong sa akin ang mga ito’t hindi kailangan sa paghubog sa aking karera at sa sikolohiyang aking kurso. Bakit nga ba?


Simple lamang ang sagot. Mahal ko siya. Oo, mahal ko ang ginagawa ko, tulad ng pagmamahal ko sa sikolohiya, tulad ng pagmamahal ko sa SP, tulad ng pagmamahal ko sa kaalaman tulad ng pagmamahal ko sa bayan, at tulad ng pagmamahal ko sa aking sarili. Pagurin man niya ako ng todo-todo, handa akong harapin ito. Nagkakamali ring sabihing hindi ito makatutulong sa akin at hindi kailangan sa karera ko bilang isang estudyante ng sikolohiya, dahil ang pagiging reserba ay naghuhubog sa’yo bilang tao, kasama na ang pag-obserba sa gawi, kilos at ugali ng tao, tumutulong rin sa kapwa lalo pa’t nasa sakuna, nagpapalakas ng diwang makabayan at nagpapatindi ng nasyonalismong minsang nahimlay sa akin.

Si SP at ang ROTC.


Sinong may sabing kakalimutan ko si SP dahil nahumaling ako kay ROTC? Nagkakamali kayo kung iisipin niyo puro gawaing military lamang at taliwas sa prinsipyo ng nauna ang huli. Bakit? Dahil…


Pakikiramdam- kailangang-kailangan mo siya rito. As in. Kailangan mong makiramdam sa mga kasamahan mong ibang kadete upang kayo’y maging sabay-sabay. Sa pagmartsa, hindi mo laging titingnan ang paa ng nasa unahan mo bagkus ay pakiramdaman mo na lang kung nagkakasabay kayo. Makiramdam ka kung naka-align ka sa pila, tama ang ginagawa mo, kung meron ka na bang kung anong creatures na katabi kapag nakahiga sa talahiban, kung sabay-sabay ba kayong kumasa ng baril, kung naiwan ka na ba ng mga kasamahan mo at kung anu-ano pa. 


Pagtulong- oo, kung hindi niyo alam, tumutulong kami. Nangongolekta ng mga donasyon tulad ng mga pagkain, gamot at damit para sa mga napinsala ng bagyo. Inihahanda ito at inaayos, tsinetsek ang kondisyon ng mga ibibigay kung kapakipakinabang pa ba at dadalhin sa mga nasalanta. Nagbibigay din ito ng mga scholarship (para sa mga officers) na hirap sa buhay ngunit mayaman sa kaalaman at pangarap. Tumutulong kami gamit ang unang uri ng pagtulong, ang pagkakawanggawa.


Sa kursong ito rin na kanina ko pa ibinibida, tinuturuan kang maging malakas at tumayo gamit ang sarili mong paa, syempre, para maging kapaki-pakinabang sa bayan at hind imaging alalahanin at pasanin din ng iyong kapwa kadete. Dito, hindi ka bibigyan ng isda bagkus ay tuturuan ka kung paano manghuli nito. Hindi ito spoon-feeding na nganganga ka na lang upang mabusog. Hindi sa’yo ituturo ang direksyon bagkus ay tuturuan ka kung paano mo makukuha ang direksyon. Hindi ka bibigyan ng eksaktong lokasyon bagkus ay hahanapin mo kung saan ang eksaktong lokasyon na iyon. Dito rin, matututo kang gamutin at bigyan ng paunang lunas ang sarili mo pati ang iba sakaling may mangyaring masama. Hindi ka rin bibigyan ditto ng pagkain, bagkus ikaw ang gagawa/maghahanap ng sarili mong pagkain. Tuturuan ka ng mga kapraktikalan para maisalba ang sarili sakaling iwan ka ng modernisasyon at sibilisasyon. Tuturuan ng kaalaman kung paano mo gagawin/lilikhain ang mga bagay—ang ikalawang uri ng pagtulong. 


Dito rin, ituturo sa’yong kaya mo ang lahat, basta magtiwala ka, magsumikap at magsanay ng maigi. Hindi mo pwedeng ipagawa sa iba ang mga bagay dahil sa oras ng kagipitan (lalo na sa gera) hindi ito uubra at hindi mo rin sila maasahan. Hindi ka tutulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga bagay ngunit tutulungan kang ayusin ang pag-iisip, pag-uugali—ang iyong buhay. Tutulungan kang palakasin ang iyong sarili (physically, mentally, emotionally). Ito ang pangatlong uri ng pagtulong ang pagsasakapangyarihan.


Pakikipagkaibigan- sa hirap at ginhawa, iyakan at tawanan, init at lamig, magkakasama kami. Syempre, dahil sa pinagsasaluhan naming naiiibang karanasan, hindi mo maalis na kami’y mapalapit sa bawat isa. Dahil kami’y magkakatulad na kadete at pare-parehas na gusto ng pakikipagsapalaran, halos lahat kami’y magaan at palagay ang loob sa isa’t-isa. Dadaanan ang mga antas ng pakikitunguhan, kikilalanin ang isa’t isa at holaaaaa! Bagong kaibigan ang iyong makikilala.


Pakikiisa- dahil sa isang yunit lamang kayo, gagalaw kayo ng iisang galaw. Makikiisa ka sa kanila upang magkaroon ng “unity” at “oneness”. Huhusgahan kayo bilang isang grupo kaya’t kailangang yakapin, kilatisin at alamin ang ugali ng bawat isa sa grupo. Tatayo kayo sa isang hangarin at isang prinsipyo (ngunit hindi ka pipiliting kainin ang mga prinisipyong ito kung ayaw mo). Mag-iisip kayo na parang isang tao.


Nasyonalismo at pagiging makabansa- Dito, ipapakilala sa’yo ang bansang iyong sinilangan at ipagtatanggol. Susuyudin ang bawat sulok ng kasaysayan upang maunawan natin ang kasalukuyan at kung bakit humantong ito rito. Itatanim sa isipan mong kabilang ka sa baying ito at inaasahan ka ng lipunang ginagalawan mo ngayon. Ibubukas ang iyong isipan upang magising ang damdaming makabayan. 


Pagmamahal- Passion, ika nga sa Ingles. Ito yung gagawin mo ang lahat kahit walang kapalit. Minamahal mo ito hindi dahil sa may pagnanasa ka rito bagkus ay binibigyan mo ng mataas na halaga ang kursong ito. Hindi man kasama sa GWA ang grading makukuha mo rito at sagabal sa acads, handa mo pa ring ipagpatuloy ang kursong ito. Kahit hindi maintindihan ng iba kung bakit mo napiling pumasok at mag-enrol rito, handa mo pa ring ipaliwanag at ipagtanggol ang pinili mo, paulit-ulit man, ulit-ulitin man.


Hindi lamang iyan ang mga matututunan mo sa ROTC at hindi lang dyan nagtatapos ang interaksyon ni SP dahil marami pang ibang konseptong maka-SP ang matatagpuan mo sa kursong ito, at aabutin ako ng siyam-siyam sa pagsusulat dito. Kung nagugulumihanan pa rin kayo, narito naman ako, handing ibida at pinaliwanag ang pinasok ko. Kung hindi pa rin kayo nasiyahan sa tugon ko, hmmm, try niyo na lang mag-immerse at sumali, baka lalong maintindihan niyo, at ma-fall in love na rin sa labidabs kong ROTC. 


“Yes, I do it right or I do it again.”

Vanessa Burton
Bukid
UP Buklod-Isip 

Feb 2

Magkaibigan o Magka-ibigan?

Ilang buwan na nga ba ang nakalipas mula noong nagsimula tayong mapalapit sa isa’t isa? Anim? Pito? Hindi ko na tanda. Mas naaalala ko pa ang mapuputi mong ngipin at ang malalalim mong dimples na lumilitaw sa tuwing ikaw ay ngingiti. Sariwa pa sa aking alaala ang iyong bawat pagtawa sa aking mga biro na marahil ay tinatawanan mo lang dahil nahihiya kang sabihing korni ako. Paulit-ulit pa ring tumutugtog sa aking isipan ang kantang pinarinig mo noon—kantang ikaw mismo ang gumawa. Naaalala kong sinabi mo na mahal mo ang musikang Pinoy. Alam ko noon pa lang na tayo ay magkakasundo.

Mabilis tayong nakapagpalagayang loob sa isa’t isa. Marahil ay dahil magkatulad tayo ng kontekstong pinagmulan o dahil marami tayong pinagkakasunduan. Anuman ang rason, alam kong isa ka na sa mga taong pinahahalagahan ko. Sa lalim ng naging tunguhan natin kahit sa maiksing panahon pa lamang ng pagsasama, napatunayan kong ang pagkakaibigan natin ang isa sa mga bagay na pakaiingatan ko.

Mahilig kang umawit at tumugtog ng gitara. Maraming kantang Pinoy ang sa iyo ko lamang unang nakilala. Mahilig ka ding kumain ng kwek-kwek, Butsi at Isaw. Nang dahil sa’yo natuto akong kumain ng lamang loob ng manok at baboy. Sa bawat pagsawsaw sa sukang inihanda ni manang, maraming usaping makabuluhan ang ating natalakay—mula sa hindi pagtangkilik ng nakararami sa OPM (at ang pagkadismaya mo rito) hanggang sa kung paanong napakayaman ng ating kultura at kung paano ito nakaambag sa ating pagkatao bilang isang Pilipino.

Paano ko nga rin ba malilimutan ang ating parehong pagkahumaling sa mga palabas sa sinehan? 3 pelikulang Indie rin ang ating napanood at naging sentro ng ating mga diskurso. Marami ring mga lumang pelikulang Pinoy ang ating muling pinanood at sinariwa. Sinubukan pa nga nating mag-ala Basha at Popoy sa pagpapalitan ng mga linyang “Poy, ako na lang ulit..” at “She loved me at my worst. You had me at my best and you chose to break my heart.” kasabay ng pagtulo ng luha sa ating mga mata. Nakakatawa. Ang dami pala talaga nating pagkakatulad at pinagkakasunduan.

Lumipas, mga araw na ubod ng saya…” eka nga sa kanta ng Up Dharma Down na Oo. Patuloy na lumalim ang ating pagkakaibigan. Mas nakilala natin ang isa’t isa. Nalaman kong malaki ang pagpapahalaga mo sa pamilya mo—isang bagay na sa akin din ay mahalaga. Nalaman kong mas nais mong sabihin ang mga katagang “Mahal kita” kesa “I love you” dahil para sa’yo mas nakukuha nito ang tunay mong nararamdaman. Mas natural. Mas malaman. Mahalaga rin pala sa’yo ang iyong mga kabarkada. Lagi ka pa ngang nakikipagkita sa kanila eh. Sabi mo ring bilang pinakamatalik mong kaibigan, ako rin ay mahalaga sa’yo. Aww. Puso ko’y biglang natunaw.

Hindi nagtagal, unti-unting nahulog ang loob ko sa’yo. Hindi ko ipagkakailang nakararamdam ako ng kilig sa bawat pagtawag mo ng aking pangalan. Hindi ko ipagkakailang malaki ang naging epekto sa akin ng pagkagusto mo at pagpapahalaga mo sa musika at kulturang Pinoy. Dagdag pogi points ka sakin, eka nga nila. Hindi ko itatangging labis mo akong napasaya nang minsang sumama ka sa aming manood ng No Other Woman, kahit na ba puro babae kami sa 118 group at sa tingin ng iba ay jologs yung pelikula. Kaninong puso nga ba ang hindi matutunaw noong ako ay bigla mong sinurpresa at hinarana noong aking kaarawan? Ay puso. Kay bilis ng iyong pagtibok.

Mahalaga sa’yo ang mga tao at mga bagay na mahalaga sa akin. Mahal mo ang bansang Pilipinas at ang bawat Pilipino. Sayang. Kung pormal mo lang na nakilala ang SP, siguro sobra mo na ding minahal yun katulad ng pagmamahal ko sa’yo este dito….sa SP. 

Maraming pagpapahiwatig at pakikiramdam ang namagitan sa ating dalawa. Bakit ba kasi napakahirap sabihin ng mga salitang “Mahal kita”. Bakit ba kasi kailangan ko pang magpakulong sa itinakda ng kultura na lalaki ang dapat na unang umamin, na lalaki ang dapat na manligaw. Hindi mo naman ipinaramdam sa aking angat ka sa akin dahil lalaki ka. Pinahalagahan mo pa rin ang kakayahan ko bilang babae. Tsek ka sa akin diyan. Pagsasakapangyarihan sa naisasantabi, tsek na tsek. Pero dahil sa pagkakaron ng mataas na ambiguity sa ating relasyon at kontektsto bilang magkaibigan o magka-ibigan, nahirapan tayong makitungo sa isa’t isa.

Buti na lang naging mas malakas ang loob mo kesa sa akin para sa wakas ay sabihin ang mahiwagang mga salita. “Mahal kita” ang sabi mo. “Maraming salamat” ang tugon ko. Labo diba? Siguro ay nagpapasalamat akong naging malakas ang loob mo o dahil dumating ka sa buhay ko. Sinabi ko ring Mahal kita at iyon na ang naging simula ng panibagong yugto ng ating relasyon.

Isang masayang storya na naman ang ating sisimulan….at hiling ko’y wala nang katapusan.

Marami na tayong pinagdaanan. At alam kong marami pang pagsasaluhan. Magkasabay pa nating payayabungin ang kultura at musikang Pinoy gamit ang aking salita at iyong tono. Patuloy pa rin nating pahahalagahan ang ating pamilya at barkada. Marami pa tayong pag-aaralang lutuin na pagkaing Pinoy. Marami ka pang ipatitikim na mga streetfood sa akin. Magkasama pa tayong maglilibot sa bansang pareho nating kinalakihan. At patuloy pa nating ipararamdam ang kahalagahan ng bawat isa sa ating buhay.


Siguro nga noon, bilang kaibigan ay mahal kita. Pero ngayon, ikaw ay iniibig ko na.


DISCLAIMER: Anumang pagkakatulad sa karanasan o inyong sariling kwento ay hindi sinasadya ng may akda. Ito ay purong kathang-isip lamang


Iska
Bukid
UP Buklod-Isip

Bakit Buklod?

Bakit Buklod?

Hindi ko talaga masabi kung ano ba ang pumasok sa isip ko at naisipan kong mag-sign up bilang aplikante sa Buklod Isip. Ito marahil ay isa sa mga bagay na hindi ko pinag-isipan nang masinsinan ngunit napakaganda naman ang idinulot sa akin; para bang nakasulat na sa aking mga palad na makagagawa ako ng ganitong kahibangan.


Noong freshie kasi ako, desidido na akong magtatapos ako ng kolehiyo nang wala man lang sinasalihang kahit isang org, “barbaric” sabi nga ng iba. Pero noong nagbukas ang application ng Buklod, ewan ko nga ba kung bakit ako nag-sign up. Nasabi ko na lang sa sarili ko na pwedeng pwede naman akong mag-defer kahit anong oras, lalo na’t hindi naman ako mahihirapang putulin ang mabubuo kong tali ng relasyon sa kanila. Ayun, at doon na nga nagsimula ang mga pagbabago sa buhay ko. Mabuti naman.

 

Dito kasi, may katulad ako, sa wakas.

Ewan. Noong nasa high school kasi ako, wala akong makapalagayan ng loob: wala kasi akong katulad, walang ka-same feathers, ika nga. Parang kakaiba ang turing nila sa akin, o baka naman nasa isip ko lang yon? Basta! Basta, ang alam ko, wala akong matalik na kaybigan. Tinuturing ko namang mga kaybigan ang aking mga kaklase, pero iba talaga e. Iba talaga yung pakiramdam na hindi ako makasakay sa trip nila at hindi rin nila masakyan ang trip ko.


Pero sa Buklod kasi, sa unang miyembro pa lang na naka-usap ko para sa application process, iba na e. Ramdam mo agad. Alam mo yung feeling na para kang nasa commercial ng beer? “Ito ang tama!”

Para bang isa akong ibong lumaki sa lugar kung saan halos pare-pareho ang balahibo ng ibang mga ibon at doo’y tingkad ang aking kaibahan. Tapos nung napadpad ako sa Tambuk, bigla na lang naging regular yung kulay ng balahibo ko at mukhang kawangis sa kulay ng kanila. Yung trip ko, trip din nila. At isa pa, hindi kakatwa yung trip ko kumpara sa kanila. Lumalabas pa ngang regular lang ang trip ko na dating kakaiba sa paningin ng mga tao noong nasa high school ako.

Ang sarap pala ng feeling, feeling na ipinagkait sa akin noon. Ang sarap pala ng may tunay na mga kaybigan. Lagi na akong masaya. Napansin ko ring ang paggawa ko ng mga desisyon ay hindi na laging ang sarili ko lamang ang isinasaalang-alang. Halimawa, iniisip ko na kung diretso na ako sa pag-uwi o kung mas sasaya ako sa piling ng mga kaybigan ko. E kasi, ang sarap talaga ng feeling ng laging may namumutawing ngiti sa aking mga labi. Sino ba naman ang ayaw noon di ba?

 

Dito kasi, may kabuluhan.

Bukod sa mga power trip ng mga miyembro, isa na rin sa lubos na nakahikayat sa aking manatili sa Buklod ay ang pagiging makabuluhan nito. Sa tingin ko kasi noong high school pa lang, may old soul ako, kaya na rin siguro hindi ako noon makasakay sa trip ng iba. Pero dito kasi, halos lahat may old soul din, para na ngang “young” yung sa akin relative sa kanila.

Gusto ko ng buhay na may kahulugan at kabuluhan, at marami nito sa Buklod. Noon pa lang ay kung anu-ano nang iniisip ko tungkol sa mga nangyayari sa mundo at  tungkol na rin sa buhay-buhay. Aba naman, nakaswerte ako sa sinalihan ko dahil mas maeexercise ko ang ganitong pag-iisip.  Dito, mas maraming tanong at mas marami rin akong natututunan. Dito, mag-iisip ka talaga. Oha.

 

Ayun nga, marami pa yan. Kaya lang alam, ko naman na ang isinulat kong ito’y too long; did not read na sa unang tingin pa lang. Pero kung binasa mo hanggang dito at naengganyo ka, halika sa amin nang maramdaman mo rin yung nararamdaman ko. Ang saya lang kasi talaga sa Buklod. May Buklove kasi. Hindi mo alam yun? Pakinggan mo yung puso ko, isa yun sa mga tinitibok.

 

Bakit nga ba nanatili ako sa Buklod?

Dito ko kasi nahanap ang ilan sa mga kulang sa akin, you know, self-actualization. Hihi.

 

Christian Victor A. Masangkay
Saling Kid pero magiging Bukid din, promise

UP Buklod Isip

Jan 9

Ang Daluyan: Christmas Issue

http://issuu.com/daluyan/docs/daluyan_christmas_issue_-_ol

Jan 9

Ang Daluyan: Sem-Ender Issue

http://issuu.com/daluyan/docs/daluyan_sem_ender_issue_1_ay_11-12

Boom! HIT! Horey!

Boom! HIT! Horey!

Tara na! Magsaya’t mag-ingay! Konti nalang! Bagong Taon Na!

Pero share ko lang. Alam mo bang hindi pa ako nakakahawak ng paputok sa buong buhay ko? Lusis nakahawak na’ko, pero fountain? Kwitis? Triangle? Nung bata nga ako takot na takot akong lumabas kung may mga paputok, kahit manonood lang. Baka kasi may mag-landing pang paputok na hindi pa tapos masunog! Matamaan pa’ko!

Boom!

Sori kung disturbing yung image. Noon pa kasi kami binigyan ng pagka-paranoyd sa paputok. Noon pa man hindi na kami pinahawak nito. Siguro dahil ito sa mga kwento ng tatay ko sa mas-disturbing na mga nakita niya noon. Lagi niya itong kinekwento sa aming mga magkakapaid at naging tradisyon nang ikwento tuwing lilipas ang Bagong Taon.

Nagpapaputok sila noon, kasama ang kanilang mga kapitbahay. Napakasaya ng lahat ngunit naging pagkatakot ito nang BOOM!, may naputukan daw na kapitbahay. Walang ibang pwede magmaneho ng kotse kundi ang tatay ko kaya’t mabilis nilang dinala ito sa ospital. Sila ang nagbuhat at tumulong sa kapit-bahay nilang nangangalahati ang natitirang kamay. Pagkapasok sa ospital, laking gulat nalang ng tatay ko at sa bawat sulok ay may iba’t-ibang mga taong nawawalan ng mga daliri, duguan ang mukha, hinahati ang braso, putol ang kamay, atbp. Mula noon, sinimulan nang umiwas si Daddy sa mga paputok, at tsaka na rin sa mga ospital!

Sana naman hindi maapektuhan ang iyong pagdiriwang ng bagong taon dahil sa kwento ko, pero hindi na rin naman lalala. Pagkatapos nun, marami nang naimaneho si Daddy papuntang ospital. Hindi naman dahil sa paputok, kundi dahil sa maraming sitwasyong kinailangan siya sa bahay, kapit-bahay, at iba-iba pang tao. Nag-iisang drayber kasi, maliban sa Lolo na Taxi drayber at laging nagtratrabaho. Ayan, naiwan sa pagsusundo’t paghahatid sa ospital. At dahil siguro dito’y nagkaroon na rin siya ng pagka-paranoyd sa ospital. Mga bandang 2000 nang pumunta muli sa ospital at nalamang may Diabetis siya. Lalung natakot siguro sa lugar!

HIT!

At ganito kung bakit kami naging paranoyd sa paputok. Ganito na rin siguro kung bakit kami paranoyd sa kahit anung sakit. Pero paano kaya kung hindi dinala ni Daddy noon ang kapitbahay nila sa ospital? Paano kaya kung hindi naputukan ang kapit-bahay? Magpapaputok kaya kami mamaya? Kumpleto pa kaya ang daliri ko? Sakitin kaya ako?

Kung sino tayo at ang bawat aksyon natin ay naimpluwensyahan ng uri ng lipunan at kulturang kinagagalawan natin. Sila ang bumuo sa pagkatao natin ngayon. Magandang isipin ito sa pagwawakas ng nakaraang taon at pagsasalubong sa bago. Bakit ganito ako? Bakit ganito ako gumalaw sa iba’t ibang bagay? Bakit ganito ako mag-isip sa harap ng iba’t ibang sitwasyon?

Natatandaan ko ang aking Socio 10 na GE. Pinagawa kami ng Autobiography gamit ang “Social Imagination”. Ang “Social Imagination” daw ay ang pagtingin ng sarili sa relasyon ng lipunang kinagagalawan. Sa karagdagan, ang tao rin ang bumubuo rito. Sa pag-aaral ng SP, alam na nating ang Sikolohiya ng tao’y binubuo ng lipunang kinagagalawan niya. Tayo rin ang nagbabago at ang may abilidad na baguhin ito. Kung tutuusin, sa ganitong pag-iisip, pwede natin ikumpara ang lipunan sa isang Hindi Ibang Tao na may malalim na antas ng pagtutunguhan. Siya ang nag-iimpluwensya sa atin, sabay dapat tayo rin ang nag-iimpluwensya sa kanya. Ang lipunan natin ay HIT at HIT tayo sa lipunan.

Balikan natin ang kwento at bigyan pa natin ng konteksto. Nakatira ang tatay ko sa isang barangay sa Makati noon na hindi naman ganoon kaganda’t kaayos. Masikip, magulo, at maraming panganib. Maraming gang at may problema sa drugs, ngunit mga tao’y handang magtutulungan sa kapwa, gaya ng ibang barangay. Taxi drayber si Lolo, kaya’t natutong magdrayb si Daddy. Housewife si Lola, ngunit laging busy at ginagawa ang lahat para mabuhay. Si Daddy naman tumutulong din. Scholar siya ngunit binibigay ang ‘allowance’ na binigay ng paaralan sa pamilya. Kaya naman nilang mabuhay at maituturing ‘simple’ ang kinatitirhan. Ngunit sino pa ba naman ang mag-aasikasong tingnan ang mga “Health prescriptions” at mga “Lifestyle Check” sa kanila? Sa parte naman ng kinatitirhan nila, sino naman ang titingin pa kung ‘authentic’, ‘original’, o ‘approved’ ang paputok na binibili nila? Uso kaya sa kanila noon ang “Safety Check” at kung ano pang check check sa mga ginagawa nila?

Ganito binuo ng lipunan ang tatay ko. Binuo siya ng mga pangyayari at mga epekto ng mga pangyayaring ito. At nakilala naman niya ang Lipunan niya, kaya’t ngayon, isa siya sa bumubuo ng Lipunan.

Horey!

Patuloy na ginagamit ni Daddy ang kanyang mga natutunan sa kanyang pamumuhay. “Mabuhay ng simple at subukang tumulong sa iba kung kailangan”, isa sa mga lagi niyang inuulit-ulit. At dahil sa mga naging karanasan niya mula sa Lipunang Martial Law hanggang sa Lipunan ngayon, “Alamin ang nangyayari at maging kritikal”. Ito lamang ang ilan sa nagiging pagtuong niya sa pagbuo ng Lipunan ngayon. Isang malaking tulong na ang pagtuturo niya ng mga ito sa aming magkakapatid.

Sa pagdating ng bagong taon, magandang alamin kung sino tayo, sino ang Lipunan natin, at kung paano nga ba tayo binuo nito. Magandang malaman natin kung saan nga ba tayo nilugar nito para na rin malaman kung saan natin ilulugar ang sarili natin dito. Paano ba tayo binuo ng lipunan? At paano nga ba tayo mag-isip dahil dito? Sa ganitong pagmumuni, masmagkakaroon tayo ng kabuluhan kung ano nga ba ang parte natin sa kay-tagal nang pagbabago ng ating Lipunan.

Huling halimbawa nalang at isang tribute na rin. Kahapon, ipinagdiriwan natin ang kamatayan ng ating Pambansang Bayaning si Dr. Jose Rizal. Bagamat binuo siya sa isang pamumuhay na may-kaya, hindi maiiwasang naimpluwensyahan pa rin ito ng pangkalahatang kalagayan ng Lipunan nila noon. Makikita naman nating nakilala niya ang kanyang kinalalagyan sa mundo. Dahil dito’y hindi niya nakalimutan ang inang-bayan niya. Nalaman niya kung ano ang kailangan niya gawin at lalung sinubukan, ng lahat ng kanyang makakaya, upang gawin ang parte sa lipunang kinalalagyan. Ganito rin ang masasabi natin para sa iba pang bayani ng ating bansa.

Sa pagdating ng Bagong Taon, kilalanin ang sarili. Huwag natin kakalimutan ang pinanggalingan natin. At tulad ng sinasabi ng SP bilang protesta, baguhin natin ang kailangan baguhin.

Muli, isang Maligayang Bagong Taon!

PS. Gusto ko rin sanang batiin ang UP Buklod-Isip na naging rason kung ba’t napakasaya ng 2011 :D Tulad ng mga nasulat ko, magandang alamin kung sino ang bumuo ng pagkatao mo. Bigyan natin ng halaga ang mga ito sapagka’t sino tayo kung wala sila? Naging isang malaking parte ng buhay ko ang UP Buklod-Isip at alam kong maslalaki pa. Sabay-sabay nating salubungin ang Bagong Taon! Buk<3 to 2012! :D

Mico Teves
Bukid
UP Buklod-Isip

KUNG AKO SI JOSE MARI CHAN

Ang hirap pumili ng isusulat

Noong isang araw, may kausap akong kaibigan (itago natin siya sa pangalang Vambolina). Tinanong ko siya kung ano bang keri na isulat bilang blog entry sa panahon ng Pasko. Sa totoo lang, kahit sa personal kong blog, hindi ako mahilig magsulat tungkol sa Pasko kasi sa tingin ko anumang maisusulat ko, naisulat na dati – at paulit-ulit pa. Sadyang ganon ang halaga at bigat ng panahon ng Pasko sa puso ng mga tao.

Payo sakin ni Vambolina: “E malamang wag ka nang magsulat tungkol sa ‘meaning of Christmas’. Jose Mari Chan ang labas mo niyan. Sampahan ka pa niya ng kaso for plagiarism.”

Natawa naman ako habang iniimagine si Jose Mari Chan na binabasa ang blog na ito at tumatawag ng abogado. Pero naisip ko, kung ako kaya si Jose Mari Chan ano pang pwede kong isulat na orihinal tungkol sa Pasko? Parang wala na, liban na lang sa mga karanasang sa akin lang nangyari.

Sa katunayan, hindi masyadong naging bongga ang Pasko para sa akin, kaya nagdalawang-isip akong magsulat tungkol sa mga karanasan kong iyon ngayong Pasko. Haggard naman kasi basahin ang napakabigat na mga karanasan. Ngunit sa kabilang banda, naisip ko, bakit si Adele, ang isinulat na mga kanta puro tungkol sa boypren niyang walang kwenta tapos sikat na siya? 21 anyos lang din naman ako ah. At saka may hawig naman kami eh. (Mas pogi lang ako ng ilang paligo. Chos).

Baka naman kung isulat ko nang maayos, sa abot ng aking makakaya, may magbasa ng malungkot na blog entry na ito. Pero pasensya na rin at hindi ito masayang Christmas-post.

Unang pampalungkot ng Pasko

Noong ikalawang linggo ng Disyembre, pagkagising na pagkagising ko, pinagalitan ako ng aking nanay dahil masyado daw akong late umuwi. “Overdramatic. Hindi late ang 3 a.m., mehn!” sabi ng utak kong halos nasa REM pa at wala pang kakayahang makipagtalo nang matino.

Sabay idinagdag niya, “Narinig mo na ba ang nangyari sa Tita mo?”

Uh oh. I’ve heard this line before. Agad-agad halos alam ko na sasabihin ng nanay ko, pero hoping against hope, tinanong ko siya, “Ano?”

“Patay na siya. Biglaan lang, aneurysm daw.”

Napakabigat at napakalungkot. Malaki kaming pamilya, kaya statistically, marami ring namamatay sa amin. Ang pangit namang sabihing sanay na ako, pero pagkatapos ng initial na bugso ng lungkot at pagkadismaya, kadalasan pagkatapos kong maihinga nang malalim at maidasal, kaya ko nang balikan ang trabaho para sa araw ko. Pero hindi ganoon ang nangyari nang malaman kong pumanaw si Tita . Buong araw akong balisa at kahit hanggang ngayon, kung naiisip ko, napapaluha pa rin ako. At sa kasamaang-palad,hindi na ako sanay umiyak kaya lalo lang akong nababalisa. Kalurkey lang.

Sa tingin ko ganito na lamang ang epekto sa akin ng pagkamatay ng tita ko hindi dahil sobrang close naming dalawa. Sa pamilya namin, syempre mas kaibigan ko yung mga pinsan kong ka-edad ko. Pero siya yung tipo ng kamag-anak na kahit hindi mo ka-close, lagi kang masayang makita siya. 37 taong gulang siyang nang mamatay subalit, dati pa, ang tingin ko sa kanya palaging halos ka-edad ko lang. Swak sa kanya yung “forever 21”. Matalino siya, articulate, witty, babaeng bakla, laging tumatawa, laging may joke, laging may bentang pintas. Ang ganda ganda rin niya. Kahit sa kabaong, mukha pa rin siya Meksikanang telenovela star. 

Parang napaka-walang rhyme or reason na isang taong tulad niya ang kukunin mula sa piling ng mga mahal niya sa buhay nang biglaan. Parang hindi fair.  

May asawa siya, dalawang anak (12 at 7 taong gulang), at isang inang laging sinasabing siya na lang sana ang kinuha ng diyos imbis na ang kanyang anak. Mas masakit daw mawalan ng anak kaysa mawalan ng magulang. 

Pangalawang pampalungkot ng Pasko

Akala ko naman kung anong tropical depression chenes lang yun. Yun pala mala-Ondoy na ang sinapit ng mga kababayan natin sa Cagayan de Oro at mga karatig-pook. Nangamba ako dahil marami akong kakilala mula sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong Sendong. Hindi lang kakilala na parang nakasayaw ko sa isang gabi sa isang club (chos) o parang naging kaklase ko lang isang beses sa isang GE at nakausap ko lang twice in my entire life. Kakilala na araw-araw kong nakakasama, mga taong gusto kong makasama at hinahagilap ko upang lumabas, at makipagkuwentuhan kasama ko.  Buti na lang ay agad kong nakita ang facebook update ng mga kaibigan kong iyon na nagsasabing sila ay ligtas, ngunit nangangamba para sa kanilang mga kababayan.

Higit pa, dahil naatasan akong magcompile ng mga paraan upang makatulong sa mga nasalanta ng bagyo, sa prosesong ito ng paghahanap ng impormasyon, nabasa ko rin kung ilang mga buhay ang nasawi, ilang katao ang nawawala pa, gaano karami ang walang tirahan at ari-arian. Minsan kapag iniisip ko, hindi ko alam kung sino ang mas kaaawaan ko – yaong mga nasawi, o yaong mga naiwan nang nawalan ng mga mahal sa buhay at ari-arian.

Kahit noong noche buena namin, nauwi ang usapan sa nangyari sa Mindanao, at hindi naging masaya ang pakiramdam noon, nang magkwento ang ilan kong mga kamag-anak na ang kanilang mga kaibigan ay hindi naging kasing-swerte ng mga kaibigan ko. Iniisip ko minsan, “Paano kung sila iyon?”

Ang kabuluhan

Mayroon tayong Santa Claus na ginagawa nating maskot, personipikasyon ng kasiyahan ng Pasko. Outfit pa lang alam mo nang kasaganahan at ligaya ang dating niya. Sa katunayan, kung hindi malapit sa iyong karanasan ang Pasko, maaaring isipin mong maskot si Santa Claus ng Chinese New Year. Grabe lang makapag-red si kuya eh. Prosperity kung prosperity.

Pero sino ang maskot natin kung malungkot ang Pasko? Kung imbis na kasaganahan, ang dala nito ay kamatayan, sakuna, kalungkutan at pag-iisa? Sino ang magiging maskot ng mga taong mula ngayon hanggang sa mga susunod na Pasko ay may masakit na alaalang gugunitain?

Sa Samahan ng Malamig ang Pasko, ibang klase ang healing powers ng kapwa, at tingin ko, sila ang mukha ng ating Pasko. Kung si Santa dala ay saya at kasaganahan, ang kapwa mong kaagapay mo sa problema at kawalan, dala ay pag-asa.

Kaya para sa inyo, na nagdala ng pag-asa sa Pasko ko, na nakipagkuwentuhan, nakipagbiruan, nakipag-inuman, nakipagkantahan, nakipag-asaran, maraming salamat. Kayo ang Pasko ko.  At sa inyo, kung nagdala kayo ng pag-asa sa Pasko ng iba, na nag-donate, na nag-volunteer, na nagpacute sa mga magulang at kaibigan upang mag-donate din, na tumulong sa anumang paraan, maraming nagpapasalamat sa inyo.

Blue Christmas
Bukid
UP Buklod-Isip